Hindi sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa pahayag ni Presidential Sec. Harry Roque na nalampasan na ng Pilipinas ang pinaka-mabigat na yugto ng COVID-19 crisis.
Ayon sa DOH, bagamat nire-respeto nila ang opinyon ng tagapagsalita ng pangulo ay kailangan pa ring paigtingin ang mga ginagawa responde laban sa virus.
“We welcome the opinion of Secretary Roque. As what the DOH has always said, we remain committed to improving our response and mitigation strategies as we learn more about the virus.”
“While we have seen improvements in our numbers, hindi pa tapos ang laban. We do want the public to be complacent and to think na everything is already ok. Dahil kapag naging complacent tayo, magiging hindi tayo maingat.”
Aminado ang ahensya na bumuti ang mga binabantayang numero kaugnay ng pandemya, pero hindi umano ibig sabihin nito na maaari nang maging kampante ang publiko.
Sa isang survey ng Social Weather Station, 57% ng mga Pilipino ang naniniwalang the worst is yet to come. Ibig sabihin, wala pa sa kalingkingan ng posibleng mangyari pa sa COVID-19 crisis ang hinaharap ngayon ng bansa.
“Naintindihan po natin iyong pessimism ng ating kababayan dahil napakahirap po talaga nitong pandemya na dinulot nito ‘no. Pero ang masasabi ko lang po, the worst is over!”
As of September 17, humaba pa ang case doubling time o pagitan ng mga araw bago muling dumoble ang mga bagong kaso ng sakit. Mula 9.52 days noong Agosto, 10.84 days na ngayon.
Pati na ang pagitan ng mga araw bago dumoble ang bilang ng mga namamatay, na nasa higit 15-araw na ngayon, mula sa halos 14-araw noong nakaraang buwan.
Ang utiization rate naman sa mga kritikal na pasilidad tulad ng ICU, ward, isolation beds ng COVID-19 ay bumaba pa sa 45% mula sa 49%.
Bahagya lang ang itinaas ng numero sa utilization ng mga temporary and treatment monitoring facilities na 33% noong nakaraang buwan, pero ngayon ay 38%.
Bunsod daw ito ng dumaming mild at asymptomatic cases na dinadala sa naturang mga pasilidad, at referrals mula sa mabababang level ng mga pagamutan.
Habang ang Reproductive Number o bilang ng mga posibleng nahahawaan ng isang infected na tao ay nasa 0.953 mula sa 0.917.
Ayon sa Health department, hangga’t walang epektibo at ligtas na bakuna laban sa sakit ay nananatiling walang kasiguraduhan ang sitwasyon.
“Ang tanging sigurado lamang ay mapoprotecktahan tayo kapag tayo ay sumunod
sa ating minimum health standards. Kaya importante na palagi tayong maging bida. Mag-mask, Mag-handwash and sanitize. Magphysical distancing. Mag-isolate pag kailangan. Gawin na natin siyang ating habit, parte na ng ating araw-araw na buhay.”