-- Advertisements --

Hindi maitago ng Filipino “The Voice USA” champion na si Sofronio Vasquez ang kanyang kasiyahan matapos makasama sa isang music collaboration sina Michael Bublé, Paul Anka, at David Foster.

Ibinahagi ni Vasquez sa kanyang Instagram account ngayong Miyerkules, Agosto 6, ang isang larawan kasama ang mga Canadian artists at ang Grammy-nominated producer na si Jorge Vivo.

“I thought something like this would only be possible in a dream. And here I am with them,” saad ni Vasquez sa caption. “I can’t wait for all of you to hear the music we made. Coming soon!””

Sa hiwalay na Facebook post, makikitang papunta sa isang dinner sina Vasquez, Bublé, at Anka. “Just in case, I’m not believing myself right now,” aniya.

Nauna nang inanunsyo ni Vasquez na maglalabas siya ng EP na pinrodyus ni Michael Bublé, ang kanyang coach sa kompetisyon.

Kabilang sa EP ang isang duet Christmas song, isang English-Filipino song, at iba pang collaborations kasama sina Foster at Anka.

Bukod dito, may hiwalay pa siyang EP na ginagawa kasama ang isang ABS-CBN Music creative director.

Kamakailan lamang, bumalik sa Pilipinas si Vasquez upang awitin ang Lupang Hinirang sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.