The Passenger Forum, tutol sa inihaing P10 fare increase pero umaapela ng balanseng solusyon
Nagpahayag ng kanilang pagtutol ang isang commuter advocacy group sa inihaing petisyon na P10 dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeep, kasabay ng pag-unawa sa pinagdaraanan ng mga tsuper dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Mark Quinto, advocacy officer ng The Passenger Forum, na mabigat para sa mga ordinaryong manggagawa ang mungkahing P10 dagdag-pasahe na inihain kamakailan ng transport group na PISTON.
Ayon kay Quinto, malaking dagok ito sa mga commuter na umaasa sa pampublikong transportasyon araw-araw.
“Karaniwan po, dalawa hanggang tatlong beses kaming sumasakay papasok ng trabaho, at ganoon din pauwi. Ibig sabihin, umaabot sa apat hanggang anim na sakay kada araw. Kung madaragdagan ng P10 bawat sakay, nasa P40 hanggang P60 na agad ang dagdag gastos namin araw-araw,” paliwanag niya.
Gayunpaman, kinilala rin ng grupo ang hirap na kinakaharap ng mga jeepney driver, lalo na sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na nagdudulot ng kakulangan ng pumapasadang sasakyan.
“Kapag kakaunti ang bumibiyahe, kami rin ang nahihirapan—mas matagal ang biyahe, at minsan ay nahuhuli pa sa trabaho,” dagdag ni Quinto.
Dahil dito, nananawagan ang grupo sa pamahalaan na pag-aralang mabuti ang panukalang dagdag-pasahe at tiyaking may balanseng solusyon na makakabuti sa parehong commuter at driver.
Bagamat may ulat ng bahagyang pagbaba ng presyo ng diesel kamakailan at inaasahan pang rollback, binigyang-diin ni Quinto na nananatiling hindi tiyak ang galaw ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East.
“Kung ano po ang maitutulong sa mga driver, sana po ay doon muna mag-focus ang gobyerno, nang hindi agad ipinapasa ang bigat sa mga commuter,” aniya.















