Ibinunyag ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. na siya ay pinatayan ng mikropono nang pinagbotohan ang alok na resignation ni Speaker Alan Peter Cayetano noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, ipinakita ni Teves ang video kung saan na-mute siya sa video conference platform na Zoom nang tinangka niyang mag-point of order bago isinagawa ang nominal voting sa alok na resignation ni Cayetano.
Iginiit ni Teves na priority motion ang isang point of order, pero hindi siya napansin nang ginawa niya ito dahil siya ay pinatayan ng mikropono.
Kukuwestiyunin sana raw niya noong panahon na iyon ang quorum pero kalaunan ay sinabihan na lamang siya ni Majority Leader Martin Romualdez na 299 members ang “presumed or deemed” present.
Dahil dito, naniniwala si Teves na ang proceedings sa naganap na botohan sa alok na resignation ni Cayetano ay hindi dumaan sa wastong proseso.
Sa ngayon, sinabi ni Teves, na siya ay naghahanap ng wastong paraan para ipadeklarang null and void ang proceedings noong nakaraang linggo.
Magugunita na sa naganap na botohan, 184 na kongresista ang nagsabilang sila ay tutol sa alok na resignation ni Cayetano habang isa lamang ang pumabor at siyam at nag-abstain.