-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mas mahigpit ang pagbabantay ng local government unit ng Tampakan, South Cotabato, sa mga karne at livestock na pumapasok sa kanilang bayan.

Ito’y matapos ipinatupad ni Tampakan Mayor Leonard Escobillo ang marching order na temporary lockdown dahil sa pinangangambahang African swine fever (ASF).

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Escobillo, sinabi nito na layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang pagkalat ng ASF sa kanilang lugar.

Isang Task Force ASF din ang kanyang binuo na kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP)-12, Tampakan-PNP, Regional Mobile Force Battalion-12, traffic enforcers, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, at Department of Agriculture.

Sa ngayon aniya, nasa anim na entry points papasok sa kanilang bayan ang naka-lockdown.

Lahat ng mga sasakyan na dadaan ay isinasailalim sa water spraying, habang pinapabababa naman ang mga pasahero at pinapa-footbath.

Bawal ding pumasok ang anumang livestock o processed meat na walang certificate mula sa Provincial Veterinary Office.

Ayon kay Escobillo, nakatipon na sila ng 40 kilo ng karne na isinilid sa isang drum na puno ng disinfectant upang hindi na kumalat ang sakit.