Mas pinapalakas pa ang telemedicine sa Metro Manila upang hindi umano ma-overwhelm ang mga ospital sa harap nang pagsirit ng mga COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) infections.
Ayon kay MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) Chairman Benhur Abalos, hindi naman lahat ng COVID-19 cases sa Metro Manila ay kailangang isugod agad sa ospital at mga medical facilities.
Kaya ganito lamang aniya kahalaga rin ang pagpapalakas ng mga local government sa kanilang telemedicine upang ang mga ospital ay maireserba na sa mga nangangailangan ng husto.
Para lalo pang maiwasan ang pagkalat ng virus sa National Capital Region (NCR), inatasan ng Metro Manila Council ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 na huwag munang lumabas ng bahay.
Ito’y maliban na lamang kung bibili o kailangan kumuha ng essential goods at services habang nasa ilalim ng Alert Level 3 ang rehiyon.
Ang NCR ay nasa ilalim ng naturang alert level status mula Enero 3 hanggang 15, 2022.