-- Advertisements --

Pinababalik ng Sandiganbayan sa gobyerno ang shares na nakuha nina Manuel Nieto at Jose Africa na inakusahang dummy sa ill-gotten wealth noong Marcos administration.

Batay sa desisyon na nilagdaan ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, inoobliga ang kampo nina Nieto at Africa na ibalik sa pamahalaan ang shares sa Eastern Telecommunications, Philippines, Inc., Polygon Investors, Managers, Inc. at maging ang mga shares sa ilang kaanak ng mga ito.

Aabot sa mahigit P68 million ang pinasasauli mula sa panig ni Nieto dahil ito raw ang katumbas ng share na inilipat nito sa isa pang kompaniya noong 2005.

Gayunman, ibinasura ng anti-graft court ang kaso laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating first lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos at dating Senate President Juan Ponce Enrile.

Giit ng korte, nabigo ang prosekusyon na makapagpakita ng sapat na ebidensya laban sa nasabing mga akusado.