Napagdesisyunan ng mga kinauukulan na hindi muna ito magsasagawa ng cloud seeding operations sa bansa para tugunan ang epekto ng El Nino phenomenon.
Ito ang inihayag ni Task Force El Nino spokesperson Joey Villarama sa gitna nang matinding init at tagtuyot na nararanasan ngayon sa bansa nang dahil sa El Nino.
Aniya, layunin nito na magbigay daan sa anihan ngayong dry cropping season upang hindi mabasa ang mga aanihing palay ng mga magsasaka na kailangan din dumaan sa dry process.
Ang dry cropping season ay nagsisimula mula sa buwan ng Setyembre hanggang sa buwan ng Marso.
Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng opisyal na kinokonsidera rin nila bilang isang uri ng mitigating measures pagsasagawa ng cloud seeding para sa pagpapatubig sa mga irigasyon at sakahan pero hindi aniya primary method of intervention sa ngayon dahil panahon pa ng anihan ng mga magsasaka para sa dry cropping season.
Kung maaalala, una nang nagsagawa ang Philippine Air Force ng cloud seeding operation sa ilang lalawigan sa Northern Luzon bilang tugon sa mga epekto ng tagtuyot na dulot ng El Nino phenomenon. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)