-- Advertisements --
better boracay DOT DENR

Naniniwala ang Department of Tourism (DOT) na maaabot ng pamahalaan ang target nitong bilang ng mga turista ngayong taon.

Ito’y dahil sa mas mataas na porsyento ng mga dayuhang bumisita sa unang quarter ng taon kumpara noong 2018.

Sa pagdalo ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa Annual Board Meeting ng Asian Development Bank sa Fiji, sinabi nito na pumalo ng 7.59-percent o 2.2-milyon ang bilang foreign visitors ng bansa mula Enero hanggang Marso.

Pinaka-marami pa rin daw sa mga bisita ng Pilipinas ang mga Korean nationals na sinundan ng mga Chinese, Amerikano at Hapon.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority umabot ng 7.1-milyon ang bilang ng dayuhang travelers sa kabuuan ng 2018.

Aminado si Puyat na malaki ang naging epekto ng pagsasara ng Boracay para sa rehabilitasyon noong nakaraang taon kaya natapyasan ng 500,000 ang mga turista ng bansa.

Bukod sa mga dayuhang bisita, patuloy din daw ang pagtutok ng DOT sa target nitong 89-milyong domestic tourists pagdating ng 2022.

Para sa 2019, target ng DOT na makapagpa-pasok ng 8.2-milyon na dayuhang turista.