Makikipag-usap pa raw ang Department of Health (DOH) sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng inaasahang implementasyon ng bawas sa metrong distansya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan.
“Ngayon ay pinag-uusapan namin ito with DOTr. Nagkakaroon na ng pag-uusap kung paano magagawa ito without compromising on these physical distance measures that we are saying,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Batay sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force, aprubado ang rekomendasyon ng DOTr at Economic Development Cluster na maging 0.75-meters na lang ang pagitan sa mga pampublikong sasakyan simula September 14.
Nakatakda pa itong mabawasan ng 0.5-meters at 0.3-meters sa susunod na 28-araw, para mas maraming commuter na ang maka-biyahe sa isang public transport vehicle.
Ayon sa Transportation department, ipapatupad pa rin naman nila ang pagsusuot ng face mask at face shield para masigurong ligtas sa banta ng COVID-19 infection ang mga pasahero.
“Nakikipag-usap kami ngayon, whatever will be the outcome of this discussions we’ll be informing the media.”
Batay sa rekomendasyon ng World Health Organization, dapat isang-metro ang pagitan ng bawat indibidwal para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.