-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Napigilan ng mga kasapi ng 2nd mechanized Infantry Battalion ng militar at ng Lambayong Municipal Police Station ang tangkang pagpapasabog sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lieutenant Gino Fegarido, hepe ng Lambayong PNP, sinabi nitong nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ng pamahalaan malapit sa bahagi ng Brgy. Tinumigues nang may namataan silang mga naka motorsiklo.

Nang makita ng mga ito checkpoint ay kanilang itinapon ang dalang sako at agad na umalis sa hindi malamang direksyon.

Sinubukan pang habulin ang mga suspek ngunit ang naabutan na lamang ay ang dalawang sakong iniwan na natuklasang may lamang isang bala ng 81mm mortar na aktibo pa umano at pwedeng sumabog anumang oras.

Agad na kinordon ang area ng Explosive Ordnance Disposal Team para sa tamang disposisyon ng bomba.

Sa ngayon inaalam pa kung anong grupo ang nasa likod ng tangkang pagpapasabog sa nasabing bayan.