(Update) CEBU CITY – Nagpapagaling na ang isang abogado matapos itong in-ambush ng riding-in-tandem sa Barangay Pajac, Lapu-Lapu City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, papunta na sana sa kanyang opisina sa Mandaue City si Atty. James Joseph Gupana kahapon ng umaga lulan ng kanyang sasakyan.
Ayon sa imbestigador na si Police Master Sgt. Wilson Malnegro ng Lapu-Lapu City Police, biglang sumunod ang dalawang ‘di pa nakilalang mga lalaki sakay ng motorsiklo at binaril ang sasakyan ng abogado.
Tinamaan si Gupana at nagtamo ng tatlong gunshot wounds sa kanyang braso, ngunit naisugod pa ang sarili sa pagamutan kaya agad nabigyan ng lunas.
Sinasabing mayroon nang bumubuntot kay Atty. Gupana sa mga nakalipas na araw bago nangyari ang insidente.
Dahil dito kaya ilan sa tinitingnang anggulo sa krimen ay ang personal grudge at may kinalaman umano sa kanyang propesyon.
















