Nakikipagtulungan na ngayon ang PNP Anti-cybercrime Group sa Department of Information and Communication and Technology para sa mas maigting na pagbabantay sa cyberspace ng Pilipinas.
Kasunod ito ng mga ulat ng DICT na mayroon umano itong na-monitor na mga tangkang pangha-hack sa mga website at email ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Pag-amin ni PNP-ACG Director PMGen. Sydney Hernia, malaking hamon sa kapulisan ang pagtugis sa mga nasa likod ng naturang hacking attempts ngunit gayunpaman ay dapat pa rin itong tuluyang mapigilan upang hindi na makapangbiktima pa.
Dahil dito ay pinaplano ngayon ng PNP-ACG na bumuo ng cybersecurity center para mapigilan ang ano mang hacking incident at iba pang cybercrime sa bansa.
Habang patuloy din ang ginagawang pagsasailalim sa kaukulang pagsasanay sa kanilang mga tauhan para magkaroon ng sapat na kakayahan sa pagtugon sa cybercrime.
Samantala, sa kabila nito ay iginiit pa rin ni PMGen. Hernia na hindi pa maituturing na nakakaalarma ang naturang mga hacking attempts sa mga website ng ahensya ng pamahalaaan dahil normal aniya ito at maging ang mga 1st world country ay nabibiktima nito.
Gayunman, para mapalakas ang kanilang cybersecurity, iniulat ni Hernia na mahalagang mapatatag ang cybersecurity ng bansa na susuportahan ng pag-amyenda sa ilang umiiral na batas na may kaugnayan dito.