KALIBO, Aklan— Sa muling pagkabuhay ng industriya ng turismo sa isla ng Boracay, problema naman ng mga residente ang tambak na basura na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nahakot at nananatili sa kanilang Material Recovery Facility (MRF).
Nananawagan ngayon si Manocmanoc punong barangay Nixon Sualog sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ng mabilisang aksyon dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa MRF na nagdudulot ng pagkakasakit ng ilang residente partikular na ng mga kabataan na nakatira malapit sa nasabing pasilidad.
Ang ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation ang nakakontratang maghakot ng basura patawid sa mainland Malay ngunit hindi pa rin nila ito nagagawa na nagdulot na ng perwisyo sa mga residente.
Dagdag pa ni Sualog na kailangang masolusyunan na ang naturang problema dahil inaasahan nanaman ang tambak-tambak na basura dahil sa muling paglago ng turismo at hindi na dapat hintayin pa na mapansin ng mga turista ang masangsang na amoy na tiyak makakasira lamang sa pinagandang imahe ng tanyag na isla.