Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez na ang tagumpay nina gymnast Carlos Yulo at boxer Nesthy Petecio ay mas magpapalakas pa ng kumpiyansa ng mga atletang lalahok sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

“Malaking bagay sa mga atleta, sana magising ang bayan. Sana mag-snowball sa SEA Games,” wika ni Ramirez.

Bago ito, magbibigay ng tig-P1-milyon ang PSC kina Yulo at Petecio.

Kapwa kasing nag-uwi ng gintong medalya ang dalawa sa kani-kanilang mga sports noong nakaraang linggo.

Unang pinabilib ni Yulo ang lahat sa 2019 World Artistic Gymnastics Championships sa Germany nang dominahin nito ang floor exercise, dahilan para itanghal ito bilang unang Pilipinong nagwagi ng medalya sa nasabing event.

Sigurado na rin ang puwesto ni Yulo sa 2020 Tokyo Olympics dahil sa kanyang tagumpay.

Samantala, isinuot ni Petecio ang featherweight division title belt nang magreyna ito kontra kay Liudmila Vorontsova ng Russia sa pamamagitan ng split decision sa 2019 Aiba Women’s World Boxing Championships.

Si Petecio ang ikalawang Pinay sunod kay Josie Gabuco na dumagit ng ginto sa world championship.