Napili ang Taguig City para maging host ng official launch ng Meeting of Styles sa Pilipinas.
Maituturing ito na pinakamalaking annual graffiti, street art at mural festival na nagtataguyod sa ugnayan ng international community.
Pinangunahan mismo ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang kick-off event.
Ang gagamiting canvas ng mga kalahok na artist ay ang mga shipping container na una nang nagsilbing quarantine facility sa TLC park sa Lakeshore, Laguna Lake Highway sa nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor Cayetano mahalaga ang mga ganitong uri ng okasyon dahil nagbibigay ito ng kulay at pagkakataon sa mga Pilipino na ipakita ang husay at galing nito sa larangan ng sining.
Katuwang ng Taguig City sa nasabing event ang Department of Education o DepEd gayundin ang mga Barangay sa kanilang lungsod upang i-promote ang galing at husay lalo na ng mga kabataan sa sining at maipagmalaki rin sa buong mundo ang mayamang kultura ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Mayor Cayetano na panahon na para ipromote ang mayamang kultura,sining at kasaysayan ng bansa.
Dagdag pa ng alkalde na sa sandaling mapanood sa ibang bansa ang mga obra ng mga artist, siguradong magiging interesado ang mga ito.