-- Advertisements --

Naitala ng Taguig City ang pinakamababang kaso ng stunting sa mga batang edad 0 hanggang 5 sa buong Metro Manila.

Batay ito sa datus ng National Nutrition Council.

Batay sa Operation Timbang Plus, nasa 0.20% lamang ang stunting rate sa lungsod, malayong mas mababa kumpara sa 7.82% national average.

Mula 9.69% noong 2015, bumaba ang stunting rate sa Taguig sa 0.35% noong 2019, na katumbas ng 97% na pagbaba sa loob ng limang taon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lani Cayetano.

Ipinapakita nito ang tuloy-tuloy na pagbuti ng kalagayan ng nutrisyon ng mga bata sa Taguig, bunsod ng matagal nang community-based programs at mga target na hakbang para sa mga ina at kabataan.

Kabilang sa mga programang ipinatutupad ang “First 1,000 Days” na nakatuon sa wastong nutrisyon mula pagbubuntis hanggang sa unang mga taon ng bata, kasama ang supplementation at regular monitoring sa mga barangay.

Dahil dito, nakatanggap ang lungsod ng iba’t-ibang parangal tulad ng Nutrition Honor Award, CROWN Awards, at Green Banner Awards para sa kahusayan sa nutrition programs.

Patuloy namang pinalalakas ng Taguig ang mga programang ito upang mapanatiling malusog ang mga bata sa kanilang murang edad.