-- Advertisements --
EDSA TRAFFIC

Hiniling na raw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang itigil ang tagging at alarm ng mga sasakyang nahuli sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Kasunod na rin ito ng pag-isyu ng Supreme Court (SC) ng temporary restraining Order (TRO) sa naturang polisiya noong nakaraang buwan.

Sa sulat ni MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga III sa LTO service provider Stradcom Corporation, ipinaliwanag nitong mayroon daw kasing mga motor vehicle owners magign ng mga buyers na nagkaroon ng problema sa kanilang mga sasakyan sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy na ngayon ay hindi makapag-renew o mai-transfer ang registration ng kanilang motor vehicles dahil ang kanilang mga bayad sa multa ay hindi naman matanggap.

Ang kanilang hirit ay magiging daan daw para ang mga owners o buyers ay maka-renew o mai-transfer ang kanilang registration sa Land Transportation Office.

Paliwanag ni Dimayuga na ang kanilang hiling sa LTO ay hindi naman daw makakaapekto sa magiging final decision ng Supreme Court kung kailan pagtitibayin ng high tribunal ang ligalidad ng NCAP.

Kabilang din sa hirit na temporary lift of alarm and tagging ay ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyang nahuli ng MMDA NCAP na kailangan pang bayaran ang kanilang multa kahit naglabas na ang Supreme Court ng TRO noong August 30.

Kung maalala, sa pamamagitan ng TRO ay ipinatigil ng Supreme Court ang pagpapatupad ng NCAP-related programs at ordinances at ano mang paghuli sa pamamagitan ng naturang polisiya.

Isasagawa naman ang Oral arguments sa kaso sa Enero 24, 2023.