Kinumpirma ng Syria na nagresulta sa pagkasawi ng ilan sa kanilang sundalo at mga sibilyan ang pangingialam ng Israel matapos nitong bombahin ang Syrian forces sa Suwayda, siyudad sa southern Syria na malapit sa border ng Jordan at Israel.
Ang naturang pag-atake sa Syrian forces at sa kanilang weapons ay ipinag-utos ni Israeli prime minister Benjamin Netanyahu dahil plano umano ng gobyerno ng Syria na gamitin ang mga ito laban sa Druze.
Ang Druze militias ay nakikipaglaban para sa Israel sa bawat Arab-Israel war at natatanging Arab group na pinayagang maging sundalo sa Israel Defense Forces.
Noong linggo kasi sumiklab ang labanan sa pagitan ng Druze militias at Bedouin tribes na kumitil na sa 200 katao ayon sa ulat mula sa Syrian Observatory for Human Rights.
Inakusahan din ng grupo ang government forces ng Syria at kanilang kaalyado ng summary executions sa mga sibilyang Druze.
Ito naman ang unang pagkakataon na idineploy ang Syrian government forces sa Suwayda simula nang patalsikin ng Islamist-led rebels si dating Syrian President Bashar al-Assad.
Nangako naman si Netanyahu na hindi nila hahayaang malagay sa panganib ang Druze sa Syria dahil sa malalim na ugnayan ng mga ito sa mga naninirahan sa Israel at sa Golan Heights.
Samantala, pumagitna na ang Trump administration kung saan hiniling nito sa Israel na itigil ang pag-atake sa Syrian military forces.
Inanunsyo naman ng defense minister ng Syria ang ceasefire sa Suweida habang sa panig naman ng Israel napaulat na ititigil na nito ang pag-atake gabi ng Martes.