Muling idinipensa ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang paggawa ng swimming pool project sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa ilalim ng kanyang panunungkulan doon.
Aniya, walang anomalya sa pagpapagawa ng naturang swimming pool dahil ito ay para sa training ng mga jail personnel para sa disaster response.
Iginiit nitong kailangan pa rin daw nila ng kaalaman para sa water rescue para sakaling magkaroon ng baha ay puwede nilang i-apply ang kanilang training.
Nais din umano niyang ituloy ito para na rin sa scuba diving.
Inihalimbawa pa ni Bantag na noong siya ang warden sa Malabon City Jail, nailigtas daw ng kanyang mga personnel ang nasa 200 katao sa kalapit na lugar nang tumama ang Tropical Cyclone Ondoy noong 2009.
Sinabi ni Bantag na ang swimming pool project ay pinondohan ng isang firm na ATOM sa isang joint venture agreement sa Bureau of Corrections.
Ang kasunduan daw ay kinabibilangan nang pagdo-donate ng ATOM ng 234 hectares ng lupain sa General Tinio kung saan ililipat ang pasilidad ng New Bilibid Prison.
Una nang ibinunyag ni Bucor officer-in-charge Gregorio Catapang na may nakita silang hukay sa site sa NBP na matatagpuan sa isang sapa.
Sabi ni Catapang na puwede raw itong gamitin para makatakas sa national penitentiary.
Pero mariin namang itinanggi ni Bantag na ang natagpuang tunnel ay para gamitin sa pagtakas.