-- Advertisements --

Binawi na ng Office of the Ombudsman ang suspension order sa 23 mga opisyal ng National Food Authority.

Ito ang kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires matapos na mapatunayang walang kaugnayan ang naturang mga opisyal sa kontrobersiyang bumabalot ngayon sa NFA batay sa naging resulta ng kanilang ikinasang regular na imbestigasyon.

Aniya, kabilang sa ito ay ang mga warehouse supervisors sa Iloilo, Antique, Cabanatuan, at National Capital Region.

Kung maaalala, una rito ay naghan ng Motion for Reconsideration sa Office of the Ombudsman ang aabot sa 108 na suspendidong opisyal at empleyado ng National Food Authority na umano’y sangkot sa anomalya sa loob ng ahensya partikular na sa irregularities sa pagbebenta ng NFA buffer stock rice.

Magugunita na sa naturang mosyon ay iginiit ng mga ito na wala silang kinalaman sa alegasyong ipinupukol laban sa kanila.

Bukod dito ipinunto rin ng mga ito na tila mayroong anomalya sa listahan na pinagbasehan nito sapagkat kabilang din sa mga pinatawan ng suspension order ay ang mga pangalan na matagal nang patay, retirado, naka-study leave, at mali ang mga designation.

Sabi ni Ombudsman Martires, nakitaan ng kanilang mga imbestigador ng erroneous data ang listahang ibinigay sa kanilang Department of Agriculture na nagmula naman aniya NFA.

Kasabay nito ay iginiit niya na kung mayroong pagkakamali man sa naturang listahan ay wala na aniya sa kanila ang pagkakasala ukol dito.