-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Nahuli na ang suspek sa pamamaril-patay sa isang pulis sa Brgy. Salasa, Bugallon, Pangasinan noong nakaraang Linggo, Oktubre 27, 2022.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Ria Tacderan, ang tumatayong PIO ng Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na naaresto at nasampahan na ng karampatang parusa sa Office of the Provincial Prosecutor ng Lingayen, Pangasinan sa pangunguna ni PLt.Col. Jeff Fanged, ang siya namang Provincial Director ng nasabing ahensya, ang suspek na kinilalang isang miyembro ng gun for hire group at residente ng lalawigan ng Pangasinan, sa pananambang nito sa biktima na si Staff Sergeant Jeffrey Ignacio.

Dagdag ni Tacderan na nahuli ang suspek sa pamamagitan ng binuo nilang Special Investigation Task Group Ignacio, kung saan ay pinakilos hindi lamang ang mga imbestigador kundi gayon an rin ang mga national support units, gaya ng crime laboratory o forensic group unit, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at ang KIMAT o ang Keen Investigation Monitoring Action Team.

Aniya na sa bisa ng mga grupong ito at sa tulong na rin ng mga witness na matagumpay na kinilala ang salarin sa nasabing krimen sa pamamagitan ng rouge gallery na ipinakita sa kanila ng mga imbestigador.

Bukod pa rito ay nadagdagan din ang mga nakalap nilang mga CCTV Footages sa iba’t ibang mga bayan gaya na lamang ng Lingayen, Binmaley, Aguilar, Mangatarem, kung saan naman dumaan ang suspek lulan ng kanyang motorsiklo.

Sa ngayon ay patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng hanay ng kapulisan na maaaring konektado sa kanyang tarbaho ang naging motibo sa pagpaslang sa kanilang kasamahan, dahil nga dati itong miyembro ng intel operatives at marami itong minomonitor bago ito paslangin.

Binigyang-diin naman ni Tacderan na patuloy ang kanilang isinasagawang manhunt at hindi titigil ang Pangasinan PPO sa paghahanap sa mastermind sa naturang krimen.