Arestado na ng Philippine National Police ang suspek sa pamamaril ng isang empleyado ng Office of the Ombudsman noong nakaraang linggo.
Sa ipinatawag na pulong balitaan ng Quezon City Police District (QCPD) ay inihayag ni QCPD director, Police Brigadier General Nicolas Torre III na nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek na si Marlon Nery, 47-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng QCPD crimininal Investigation and Detection Unit, nakilala si Nery sa pamamagitan ng isang footage mula sa closed-circuit television sa Quezon Avenue and Cordillera street sa Barangay Dona Josefa nitong Pebrero 2, kung saan inagaw ng isang armadong lalaki ang bag ng biktima atsaka siya binaril matapos na manlaban.
Ang biktima ay kinilalang si Diane Jane Paguirigan, isang administrative aide ni office of Deputy Ombudsman, Military and Other Law Enforcement Offices Jose Balmeo Jr.
Samantala, nakuha naman mula sa suspek ang ilang armas, cellphone, at isang motorisiklo.
Kasalukuyan naman nang nagpapagaling ang biktima mula sa kaniyang mga tinamong pinsala sa isang pagamutan.