Naaresto na ng pulisya ang suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa graduating student ng Dela Salle University-Dasmariñas Campus kasunod ng follow-up operation nitong araw ng Sabado, Abril 1.
Una ng natukoy ang suspek na si Angelito Erlano na mayroon ng dahil kaso ng robbery na responsable sa pagpatay sa estudyanteng si Queen Leanne Daguinsin na natagpuang patay sa loob ng kaniyang dormitoryo noong Marso 28.
Ayon kay Philippine National Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., una ng natukoy ang suspek sa pamamagitan ng nakalap na CCTV footage malapit sa dormitoryo kung saan natagpuang wala ng buhay ang biktima.
Dakong alas-10:40 ng umaga ng maaresto ang suspek nitong Sabado sa may Purok 4 Barangay Victory Reyes , Dasmarinas City.
Nagpahayag naman ng pagkondena ang PNP chief sa karumal dumal na krimen at tiniyak na makukulong ang suspek at mapanagot sa nagawa nitong krimen.
Pinasalamatan din ni Azurin ang publiko sa pakikipagtulungan sa mga aworidad at sa pagbibigay ng impormasyon para sa pag-aresto sa suspek.