Sinintensyahan na ng 16 taong pagkakabilanggo sa hiwalay na gun charge ang isa sa mga inaakusahang pumataw sa dating NBA player Lorenzen Wright.

Ibinaba ni Judge Lee Coffee ang hatol kay Billy Turner sa isang pagdinig nitong Huwebes (Biyernes, Manila time) sa Memphis.

Nitong Hunyo nang mag-plead guilty si Turner sa paratang na may pag-aari itong baril kahit na siya ay isang convicted felon.

Giit ng mga tagausig, mayroon daw dalawang baril si Turner noong Disyembre 2017 kung kailan ito dinampot dahil sa pagpatay sa dating NBA cager.

Pinaniniwalaang napatay si Lorenzen Wright noong Hulyo 19, 2010, nang marinig ang mga putok ng baril habang tumatawag ito sa 911.

Natagpuan na lamang ang kanyang labi sa kakahuyan sa bahagi ng Memphis noong Hulyo 28.

Si Turner at ang dating asawa ni Wright na si Sherra ay nahaharap sa reklamong first-degree murder.

Una nang nagpasok ng guilty plea si Sherra sa kasong facilitation to commit first-degree murder at facilitation to commit attempted first-degree murder.