-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hinihintay pa rin sa ngayon ng mga otoridad ang opisyal na report ng explosive ordinance disposal (EOD) team kaugnay sa mga components na ginamit sa pagpapasabog sa merkado publiko ng Isulan, Sultan Kudarat.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Edwin Alburo, spokesperson 6ID Phil Army, inihayag nitong posibleng kombinasyon lamang umano ng iba’t ibang uri ng firecrackers o paputok ang ginamit ng mga nasa likod ng pagpapasabog sa Brgy. Kalawag 3 ng nasabing bayan na nag-iwan ng walong sugatan.

Ayon kay Alburo, kung titingnan ang mga natamong sugat ng mga biktima, masasabi umanong hindi gaano kalakas ang pagkagwa sa nasabing eksplosibo.

Samantala, patuloy ding nire-review ng PNP ang kuha ng CCTV dahil isang babae umano na nakasakay sa motorsiklo ang nakitang dumating sa parking area na may bitbit na bag at iniwan pa ito noong gabi bago paman maganap ang pagsabog.

Iniwan din umano nito ang kanyang motorsiklo bago umalis sa lugar.

Hindi rin isinasantabi ng PNP na nag-disguise lamang ang lalaking suspek gamit ang wig, shoulder bag at puting shorts.

Sa ngayon, patuloy parin na nakaalerto ang PNP at Armend Forces of the Philippines (AFP) sa lugar upang hindi na maulit pa ang nasabing pamomomba.