Hinatulan ng hanggang 15 taong pagkakakulong ang suspek sa isang hate crime laban sa 65 taong gulang na Filipina American na si Vilma Kari.
Ito ang inanunsyo ni Manhattan District Attorney Alvin Bragg ngayong araw kaugnay sa sentensya ng 43-anyos na suspek na kinilalang si Brandon Elliot hinggil sa marahas na pananakit nito kay Kari tatlong taon na ang nakararaan sa isang sidewalk sa New York City.
Kung maaalala, makikita sa isang video kung papaano pinagsisipa ng suspek ang Pinay sa kaniyang sikmura at ulo.
Matatandaan din na noong nakaraang Disyembre ay nag-plead ng guilty si Elliot sa one count of assault na first degree ng hate crime at gayundin ang criminal possession ng armas na nasa third degree.
Samantala, Si Elliot na suspek sa naturang hate crime ay isang homeless at ex-convict na dati nang nakulong nang dahil sa pagpatay sa kaniyang sariling ina.