BUTUAN CITY – Patuloy na inaalam ng mga kaukulang local government units (LGU) ang mga posibleng danyos na hatid ng magnitude 6.4 na lindol na yumanig sa San Agustin, Surigao del Sur, kaninang alas-6:37 ng umaga.
Unang itinaas ang lakas ng lindol sa magnitude 6.4 na ngayo’y ibinaba na sa magnitude 6.
Sa earthquake bulletin ng Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology (PHIVOLCS), napag-alamang natukoy ang lindol sa lokasyong 11-kilometro sa hilagang bahagi ng nasabing bayan na may lalim na 58-kilometro at “tectonic in origin.”
Sa ngayon ay sinusuri ng mga LGU ang mga lugar upang malaman kung gaano katindi ang pinsala.
Naramdaman ang Intensity V sa Bislig City; Intensity III sa Gingoog City, Misamis Oriental; Intensity II sa Cagayan de Oro City; Surigao City, Surigao del Norte; Intensity I sa Alabel, Sarangani; gayundin sa Koronadal at Tupi, South Cotabato; Kidapawan City; Palo, Leyte; at sa Borongan City.
Malakas naman itong naramdaman sa Butuan City at mga kalapit na probinsya sa Agusan del Norte at Agusan del Sur.