-- Advertisements --

Sa gitna ng insidente ng pagkamatay ng mga baboy sa tatlong barangay sa Rodriguez, Rizal, siniguro ng Department of Agriculture (DA) sa mga consumers na stable pa ang supply ng karne ng baboy sa merkado.

Ayon kay DA Secretary William Dar, wala umanong problema sa supply ng karneng baboy dahil nag-commit naman sa kanila ang mga hog raisers na tuloy-tuloy ang pagbibigay nila ng supply.

Tiniyak din ni Dar na maging ang presyo ng karneng baboy ay stable pa rin sa mga pamilihan.

Una rito, nabahala ang ilang mamimili dahil pa rin sa hinihinalang kaso ng African swine fever sa ilang lugar sa bansa lalo na sa barangay San Isidro, San Jose at Macabud sa Roriguez, Rizal.

Nagsasagawa ngayon ng surveillance ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa tatlong barangay at ayon kay BAI Officer-In-Charge Director Ronnie Domingo, na-contain na ang kaso ng pagkamatay ng mga baboy doon.