Tiniyak ni Department of Trade And Industry Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo na sapat ang supply ng face shields sa oras na ipatupad na ang mandatory na pagsusuot nito kung sasakay ng pampublikong transportasyon.
Sinabi ni Usec. Castelo, hindi raw mauubusan ng face shield ang mga Pilipino dahil may mga local manufacturers na ang nag re-purpose ng kanilang mga produkto upang gumawa ng face mask at face shields.
Hinihikayat din umano ng ahensya ang mga fabrication laboratories na simulan na rin ang produksyon ng face shields. Hindi rin papahuli ang mga DIY o do it your own face masks para hindi na dumagdag pa sa gastos ng publiko ang pagbili ng nasabing produkto.
Bandang 11:00 ng umaga nang suyurin ng DTI ang mga tindahan sa Bambang, Manila upang tukuyin kung ang presyo ng kanilang binebentang face shields.
Ayon sa assessment ng kalihim ay may mga tindahan na mababa ang ibinibigay na presyo para sa nasabing produkto ngunit hindi rin nagpahuli ang ibang tindero na patungan ng malaking halaga ang kanilang face shields.
Maglalaro sa P26 hanggang P50 ang suggested retail price ng mga basic face shields na gawa sa acetate at frame. Posible lamang na lumagpas sa SRP kung ibang materyales na ang gagamitin sa paggawa nito.
“Mayroon namang P30, P35 o P40 lang yung binebenta tapos yung iba naman ang benta nila is P100. So it’s unfair and already a violation of Consumer Act,” saad ni Castelo.
“Puwede na kaming mag-enforce, puwede na rin kaming magsampa ng mga kaso pero syempre mas maganda rin na may SRP na para mas malinaw at madali yung pag-enforce ng penalty,” dagdag pa ng kalihim.
Ang sinumang lalabag sa SRP na itinakda ng DTI ay paparusahan at kakasuhan dahil nilabag nila ang Republic Act No. 7581 o The Price Act na siyang nagbibigay ng proteksyon sa mga consumers ng stabilize na presyo ng basic necessities at prime commodities.
Sa isinagawa ring pag-iikot ng ahensya ay hindi nakalusot sa mga ito ang isang tindahan na triple ang halaga ng presyong ipinatong sa kanilang mga face shields kung kaya’t pinagsabihan ito ng kalihim na palulusutin sila ngayon ngunit sa susunod ay kailangan na nitong sumunod sa ilalabas na SRP ng ahensya.










