Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi kailangan ng valid government-issued ID upang makapag-apply para sa Postal ID.
Ayon kay Postmaster General at Chief Executive Officer Maximo C. Sta. Maria III, maaari nang makakuha ng ID basta dala ang iyong birth certificate, barangay certificate, at proof of address gaya ng bill ng kuryente, tubig, o internet, basta tiyaking nakapangalan ito sa aplikante.
Layunin aniya nitong itama ang maling paniniwala na kailangan munang magkaroon ng ibang government-issued ID bago makakuha ng Postal ID.
Ayon pa kay Sta. Maria, layunin pa ng Postal ID na magsilbing unang government-issued identification ng mga Pilipino at gawing mas madali ang pagpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan.
“The Postal ID has always been intended to make it easier for Filipinos to establish their identity, especially those applying for their first government-issued ID,” ani Sta. Maria.
Ang Postal ID ay tinatanggap sa maraming transaksyon sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang pagbubukas ng bank account, pag-aapply ng pasaporte, pagkuha ng mga parsel, at iba pang legal at pinansyal na transaksyon.
Bukas ang PHLPost sa oras na alas-8:00 ng umaga hanggang ala-5:00 ng hapon sa mga branch sa mga mall mula Lunes hanggang Biyernes.














