Maagang kinontra ng ilang mambabatas ang panibagong pinalutang ng ilang opisyal ng pamahalaan na posibleng humiling ng supplemental budget para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, sapat ang inaprubahang P351 billion pondo ng Kongreso para sa paglaban sa krisis na ito.
“So medyo premature ang paghingi ng supplemental budget dahil hanggang June 24 pwede mag-realign ang Pangulo galing sa 2019 GAA at galing sa 2020 GAA ng pondo para sa COVID-19,” wika ni Lacson.
Giit ng senador, kahit madagdagan pa ang paglalaanan ng social amelioration ay wala dapat maging suliranin dahil may pondo pa namang hindi nagamit para sa ilang proyekto noong 2019.
Nagtataka rin ang senador kung bakit sinasabi ng ilan na hindi na kayang maibigay ang second tranche ng pinansyal na tulong, gayung para sa dalawang buwan naman ang naitakdang ayuda.
“Unang una, sa batas, 2 buwan ang ibibigay na P5-8K. 2 buwan yan. Kaya di pwedeng 1 buwan lang. Sa pinasang Bayanihan Act, ang susustentuhan ang 18M pamilya mahigit ng P5-8K, depende ito sa lugar,” dagdag pa ni Lacson.
Maging sa panig ng mga militanteng mambabatas sa lower House ay hindi rin sila kumbinsido na kapos pa ang bilyon-bilyong pondo para sa 18 million pamilya.