Lubhang tinamaan ng Bagyong Uwan ang Ikatlong Distrito ng Albay, kung saan umabot sa Signal No. 4 ang lakas ng hangin.
Ayon kay Albay Representative Raymond Adrian Salceda, maagang nagsagawa ng preemptive evacuation ang lahat ng bayan at ang nag-iisang lungsod sa distrito upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Tinatayang 25,000 pamilya ang nailikas, ngunit maaari pa umanong tumaas ang bilang na ito habang isinasagawa ang beripikasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Ibinunyag ni Salceda na naapektuhan ang ilang lugar dahil sa pambansang pagbabawal sa mga proyekto ng flood control, dahilan upang hindi pa maayos ang mga nasirang istruktura mula pa noong Bagyong Kristine.
Sa kasagsagan ng Bagyong Uwan, nagsagawa umano ang mga awtoridad ng sandbagging operations upang mapigil ang pagpasok ng baha at maisagawa ang ligtas na paglilikas ng mga residente.
Gayunman, bumigay rin kalaunan ang mga pansamantalang depensa laban sa tubig.
Nanawagan din si Salceda sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bigyang-priyoridad ang mga scientific at evidence-based na proyekto para sa tamang flood control sa Albay.
Samantala, patuloy ang relief operations sa mga apektadong komunidad.
Ayon sa kongresista, kasalukuyang may sapat na suplay ng pagkain para sa 10,000 pamilya, ngunit kailangan pa ng karagdagang tulong upang matugunan ang pangangailangan ng lahat ng naapektuhang mamamayan.
Nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapalawak ang saklaw ng ayuda.
Nagsimula na rin ang DPWH sa road clearing operations, habang tumutulong ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa paglilinis ng mga lansangan at pagtanggal ng putik.
Nakikipag-ugnayan naman ang Albay Electric Cooperative (ALECO) upang maibalik agad ang suplay ng kuryente sa mga lugar na nawalan ng linya.
Bagaman nakamit ang zero-casualty record sa halos lahat ng bayan, nakapagtala pa rin ng isang nasawi sa bayan ng Libon.
Ipinapaabot ni Salceda ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Patuloy pang isinasagawa ang damage assessment upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala.
Inihayag din ni Salceda na sa mga susunod na linggo ay maglulunsad sila, katuwang ang DSWD, ng palay-buying program sa ilalim ng AKAP Rice Fund upang direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka sa mas mataas na presyo.
“Ang ating zero-casualty record ay patunay ng ating kahandaan, ngunit napakalaki pa rin ng pisikal at pang-ekonomiyang pinsala,” pahayag ni Rep. Salceda










