Naniniwala si dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) National Executive Director Atty. Antonio Ligon na akmang-akma ang paggamit ni Atty. Lorna Kapunan sa terminong ‘Superman’ para tukuyin ang aktwal na paggamit ni VP Sara sa kaniyang confidential at intelligence funds (CIF).
Binalikan ng batikang abogado ang lumabas sa paglilitis na malalaking bulto ng pera ang naipamigay sa iisang araw ngunit sa magkakaibang lugar sa Pilipinas, batay na rin sa mga lumabas sa acknowledgement receipts na ipinakita ng House panel.
Ayon kay Atty. Ligon, kailangan mong maging isang ‘Superman’ para magawa ang ganitong sistema.
Epektibo aniya ang naturang termino para tukuying hindi ito simple o karaniwang pangyayari, lalo at pondo ng bayan ang ginamit dito.
Tinukoy din ni Atty. Ligon ang paggamit ng kampo ni VP Sara sa mga alyas at halos hindi kapani-paniwalang mga pangalan bilang isang ‘red flag’ at napaka-irregular na pangyayari.
Paliwanag ng abogado, posibleng matatatanggap pa ito kung isang pagkakataon lamang nangyari, ngunit sa halip ay paulit-ulit itong ginawa ng mga opisina ni VP Sara, tulad ng ipinapakita ng House prosecution panel.
Lumalabas aniya na may ‘pattern’ sa naturang sistema at matagal na panahon din itong ginawa ng kampo ni VP Sara.
Maging ang acknowledgement receipt na tanging katibayan na naibigay ang intelligence funds sa mga recipient ay hindi rin aniya katanggap-tanggap.
Karaniwang ginagamit lamang aniya ang mga ganitong uri ng resibo sa mga palengke at wala dapat puwang sa official transactions na pinapasok ng government agencies, gamit ang pera o pondo ng gobiyerno.
















