CEBU CITY – Inamin ng pulisya na sinadya ang pagsunog kamakailan sa opisina ng KAPA Community Ministry Inc. sa Compostela, Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Senior Fire Officer 1 Gina Labay, chief investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP), na nakakita ang kanilang hanay ng mga basyo ng gasolina sa labas ng nasunog na gusali.

Batay sa inisyal na ulat, 10 armadong lalaki ang nakitang pumasok ng KAPA office building at ginising ang mga nasa loob nito, tapos ninakawan.

Hindi naman daw sinaktan ang mga empleyado at pinalabas lang bago sinabuyan ng gas ang gusali.

Lumabas sa pagsusuri ng BFP na nasa P600,000 ang halaga ng danyos na naitala sa insidente.

Kasong robbery with arson naman daw ang ihahain laban sa mahuhuling suspek.