CAGAYAN DE ORO CITY – Iniimbestigahan ngayon ng 4th Infantry Diviison Philippine Army at Carmen Police Station ang pagkadiskubresag isang sundalo na wala ng buhay sa loob ng Camp Edilberto Evangelista sa Barangay Patag, Cagayan de Oro City kaninang madaling araw.
Ito ay matapos magtamo ng tama sa dibdib ang biktima na si Army T/Sgt. Rogelio Asuncion, 40, na tubong Negros Occidental sa Western Visayas kung saan katabi lamang nito ang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapakamatay.
Sinabi ni 58th Infantry Battalion Philippine Army commander Lt. Col. Roy Anthony Derilo na inaalam pa nila ang dahilan kung paano namatay ang biktima lalo pa’t nag-iisa lamang ito nang madiskubre ng liason office nila na nakabase sa kampo.
Inihayag ni Derilo na makikipag-ugnayan pa sila sa pulisya upang alamin ang pinakadahilan sa pagkamatay ng kaniyang tauhan na 23 taon nang naninilbihan bilang sundalo sa Mindanao.
Lumutang din ang anggulo na posibleng nagbaril-patay sa sarili ang biktima subalit ipapasuri pa ito sa Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Sa ngayon mayroon nang ilang sundalo na iniimbestigahan partikular ang umano’y nakadiskubre sa bangkay ng biktima upang tuklasin kung mayroong kinalaman sa pangyayari.