-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mariing kinondena ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ang pagkakapatay ng isa sa kanilang mistah sa Maguindanao.

Kinilala ni WestMinCom spokesman Major Arvin Encinas sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal ang biktima na si Cpl. James Earl Matulac ng 6th Infantry Division Philippine Army.

Ayon kay Encinas, lulan si Cpl. Matulac sa kaniyang motorsiklo at pauwi na sana sa bayan ng Pigcawayan, North Cotabato, nang binaril ito ng riding-in-tandem suspects sa bahagi ng Barangay Rebuken sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.

Itinuturing suspek naman sa pamamaril ang Dawlah Islamiya o Bangsamoro Islamic Freddom Fighters.

Posible umanong motibo ay ang retaliatory attacks o paghihiganti dahil sa patuloy na operasyon ng mga militar sa kanilang hideouts.

Samantala, itinuturing ni Encinas na isolated case lamang ang nangyaring pagsabog ng isang isang fragmentation grenade sa bahagi ng Sultan Mastura, Maguindanao, na ikinasawi ng dalawang menor de edad kung saan away-pamilya o rido ang itinuturing na dahilan ng insidente.