-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang na-obserbahang oil spill mula sa sumadsad na tanker na may bandilang Pilipino sa Burgos, Surigao del Norte.

Ayon kay Capt. Noemie Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, patuloy pang tinutukoy ng mga otoridad kung may nabutas o na-breach sa hull ng nasabing barko.

Ang tanker na MT Cheng Xian Feng 168 ay sumadsad sa Barangay Poblacion 1 sa Burgos kahapon, Enero 11, matapos makaranas ng problema sa makina habang patungo sa Homonhon, Leyte.

Napag-alaman na ang 712-gross ton na barko ay may kargang 3,500-litro ng krudo na para sa sariling konsumo nito, at umalis mula sa Cagayan de Oro City bago ito sumadsad.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakaranas umano ng engine failure ang barko bandang ala-una ng hapon noong Sabado, Enero 10, dahilan upang ibaba ng kapitan ang angkla. Dahil sa malalakas at malalaking alon, itinulak ang barko hanggang sa ito ay sumadsad sa baybayin ng Burgos.

Agad na kumilos ang PCG upang magsagawa ng containment sakaling magkaroon ng posibleng oil spill at upang tantyahin ang maaaring pinsalang idinulot nito sa mga coral reef.

Bandang alas-4:30 ng madaling araw kahapon, ligtas na nailikas ang siyam na Pilipinong tripulante, kabilang ang kapitan at agad silang dinala sa pampang kung saan sila ay binigyan ng tulong at isinailalim sa imbestigasyon.

Napatunayan namang nasa maayos silang kalagayan.

Ayon naman kay Burgos Mayor Emmanuel Arcena, agad na naglatag ang PCG ng mga oil spill containment boom sa paligid ng tanker bago sinimulan ang towing operations bandang alas-7:50 ng umaga kahapon.

Dahil dito, mananatili muna sa kustodiya ng PCG ang barko sa kalapit na bayan ng Dapa sa Siargao Islands habang kinukumpleto pa ang environmental at technical assessments.

Nagpapatuloy rin ang coastal surveillance kung saan iniulat ng mga awtoridad na wala silang naobserbahang pagtagas ng gasolina, maliban lamang sa normal na paggamit ng fuel mula sa mga sistema ng barko.