Tiniyak ng Department of Health (DOH) na nakabantay ang pwersa ng pamahalaan sa mga border ng bansa para maiwasan ang pagpasok ng mga biyahero na posibleng infected ng COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos makapagtala ang Malaysia ng panibagong pagtaas sa coronavirus cases dahil sa mga naitalang confirmed cases sa Sabah, na malapit lang sa lalawigan ng Sulu.
“Hindi naman din tayo papayag na may papasok sa atin na hindi natin sila nasi-screen. The most that we can do is symptoms screening, yung ginagawa natin usually sa borders natin if we do not have access to RT-PCR (test),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Patuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa regional office nito sa Bangsamoro region para masigurong na nasasala ng maayos ang mga napasok na dayuhan o biyahero sa bansa.
Sa isang report ng The Strait Times noong October 6, nakasaad na isa ang probinsya ng Sabah state sa mga lugar na nakitaan ng lumulubo muling mga kaso ng coronavirus cases sa Malaysia.
Binabantayan na rin ng ahensya ang trend sa Mindanao dahil sa nakitang mga dagdag na kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Nakausap na umano ng DOH ang opisyal ng kagawaran sa Davao region, kung saan kanilang pinlano ang mga gagawing responde at monitoring sa mga naitalang bagong kaso ng sakit sa ilang lugar.
“Yes, there are increase in number of cases in certain areas in Mindanao. Pero kapag tiningnan natin yung health system capacity nila as to critical component for COVID-19, nakakaagapay pa yung sistema nila.”
“Their hospitals are mobilizing and engaging para maka-accommodate sila ng more clients.”
Batay sa datos ng BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) Ministry of Health, mayroon nang 1,590 total COVID-19 cases ang rehiyon.
Sa case bulletin naman ng DOH Region 11, umaabot na sa 4,771 ang total coronavirus cases sa Davao region as of October 26.
Kamakailan nang maglabas ng Omnibus Guidelines ang Health department kung saan nakapaloob ang panuntunan sa returning Filipinos mula sa ibang bansa.
“If they (returning Filipinos) are from a low or mid prevalence country and asymptomatic, they shall not be required to undergo quarantine and testing at points of entry or upon arrival to their localities of destination, provided strict adherence to minimum public health standards and symptoms monitoring,” ani Vergeire.










