BOMBO DAGUPAN – Hindi maaaring mangyari ang nais ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang estado ng Mindanao sa Pilipinas.
Ito ang buwelta ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst.
Aniya, kung titignan sa kritikal na pamamaraan, ang mungkahing ito ay maituturing na partisan politics kung saan walang pakialam sa kapakanan ng mga mamamayan at sarili lamang ang iniisip.
Kung tatanungin aniya ang kabuuang populasyon ng Mindanao, marahil ay hindi sila pabor sa paghihiwalay ng kanilang estado sa Pilipinas.
Pagdidiin ni Yusingco, kaparaanan lamang ito ng isang politician upang magpalaganap ng tinatawag na public anxiety na layong bigyan ng takot ang publiko upang mas maging bulnerable ang mga ito.
Mayroong lumalabas na alegasyon na marahil nais lamang ng dating pangulo na makaligtas mula sa pag-iimbestiga ng International Criminal Court sa naging programa nitong war on drugs sa kaniyang administrasyon ngunit saad ni Yusingco na hindi ito lohikal.
Dahilan nito, hiwalay naman ang International Criminal Court (ICC) sa pamahalaan ng Pilipinas ngunit ang pag-iisyu ng warrant of arrest ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) o ang Philippine National Police (PNP) ang gumagawa kaya marapat lamang sana na amuhin nito ang kasalukuyang administrasyon kung talagang nais niyang mailigtas ang sarili mula sa ICC.
Isa pa aniya sa kaniyang nakikitang dahilan, marahil ay pinaghahandaan na ni Duterte at ng kaniyang kampo ang darating na eleksyon sa 2025.
Sa kabila nito, kung mayroon man aniyang dapat bantayan ay ang pagkakalat ng mga ganitong klaseng intriga dahil marahil na magkaroon ng anxiety ang publiko at maging magulo lamang ang kinabukasan ng Pilipinas.