Inanunsyo ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na mayroong kapasidad ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard na makapag-imbak ng COVID-19 vaccines sa kanikanilang mga freezers.
Sa lingguhan national address ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Galvez na ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard ay mayroong mga freezers na kayang umabot sa -15 hanggang -25 degrees celsius ang lamig.
Ang Philippine Navy aniya ay mayroong apat na freezers na kaya ang temperatura mula -15 hanggang -15 degrees celsius, na may kapasidad na aabot sa limang tonelada.
Puwede aniya itong gamitin sa pag-transport ng mga bakuna mula sa Manila papunta sa ibang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ang Philippine Coast Guard naman aniya ay mayroong siyam na barko na may freezer na ang temperature range ay aabot sa -20 hanggang -25 degrees celsius at may capacity na aabot sa 526 cubic feet.
Samantala, sasailalim naman aniya sa training ang medical personnel ng military bilang paghahanda sa rollout ng COVID-19 vaccines, na nakatakdang magsimula sa susunod na linggo.
Nakatakdang ilunsad ng Pilipinas ang COVID-19 vaccination program nito sa darating na Pebrero.