-- Advertisements --

Panahon na para mag-isip ang pamahalaan ng mas mahigpit na hakbang na maaring gawin para maiparating sa China ang mariing pagkondena sa mga aktibidad nito sa loob ng mga exclusive economic zone ng Pilipinas, ayon sa isang International Security Expert.

Sinabi ito ni Dr. Rommel Banlaoi kasunod na rin nang pagtaboy ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na may resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Banlaoi, lumalabas sa mga ipinapakita ng China na hindi sapat ang diplomatikong pakikitungo ng Pilipinas sa mga insidenteng ito.

Dapat aniyang mag-isip na rin ang pamahalaan ng “stronger options” para maiparating sa China na ang Pilipinas ay nababastos at nava-violate sa kanilang mga pinaggagawa sa EEZ ng bansa.

Gayunman, paalala ni Banlaoi na dapat ay handa rin ang Pilipinas na pakinggan ang paliwanag ng China.

Kaugnay nito binanggit ni Banlaoi na ang Bilateral Consultative Mechanism sa South China Sea ay naglalayon namang isantabi ang issue sa territorial dispute at pag-usapan kung paano ipo-promote ang kooperasyon at pakikipagkaibigan.

Kahapon, sinabi ng Malacanang na ipinauubaya na nito sa Department of Foreign Affairs ang insidente sa Ayungin Shoal.

Nagpaabot na rin ng kanyang pagkondina sa nangyari si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin sa Chinese Embassy dito sa Pilipinas at sa kanyang counterpart sa Beijing.