Naniniwala ang ilang mga maritime experts na hindi lang dapat sa Amerika mapalakas ang alyansa ng Pilipinas kundi maging sa ibang bansa rin.
Ito ay kaugnay sa ginawang panghihimasok ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Dr. Chester Cabalza, president ng International Development and Security Cooperation, dapat ay magkaroon din ng strategic alliance ang Pilipinas sa Japan, Australia, South Korea, Indonesia, Vietnam at Taiwan.
Ang nasabing pahayag ni Cabalza ay sinegundahan naman ni maritime law expert Dr. Jay Batongbacal.
Ayon kay Batongbacal, hindi totoo na walang tayong magagawa.
Kailangan lang umano na makipagtulungan tayo sa ibang bansa nang sa gayon ay maprotektahan ang mutual interest sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ng dalawang maritime experts, nasa tamang direksyon tayo dahil diplomatic protest talaga ang pinakainam na paraan para kontrahin ang pagsigasigaan ng China.
Sa katunayan aniya, dahil sa pagkatig sa atin ng arbitral tribunal ay nagkaroon ng dispersion o naging kalat na ang deployment ng barko ng China sa ibang isla.
Sinabi naman ni retired Rear Admiral Rommel Ong, kailangan ng tulong ng ASEAN para magkaroon ng “stability” sa rehiyon.
Kailangan din umanong palaksin ang ating defense posture at masulong pa ang modernization ng AFP.
Para kay Dr. Rene De Castro, dapat magkaroon ng “Whole Nation Approach” sa problema sa West Philippine at kailangang sumandal sa National Security Council.
Samantala, epektibo kahapon ang National Task Force West Philippine Sea na ang maglalabas ng pahayag sa hinggil sa Chinese intrusion sa EEZ ng bansa.
Itinalagang tagapagsalita ng task force si Asec. Omar Romero.
Ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, hindi na magbibigay ng anumang pahayag ang AFP sa isyu na may kaugnayan sa West Philippine Sea.
















