-- Advertisements --

Dapat umanong unahing ibenta ng National Food Authority ang rice buffer stock nito sa mga disaster response agencies, ayon yan sa Department of Agriculture. 

Ito ay kasunod ng inilabas na preventive suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa dalawang opisyal ng National Food Authority dahil sa umano’y improper sale nito ng rice buffer stock ng NFA. 

Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ginawa ito ng NFA para masiguro na mayroong bigas sa panahon ng kalamidad lalo na’t may banta ng La Nina. 

Aniya, NFA rice ang number 1 na kailangan ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan dahil ang unang kailangang responde raw sa t’wing may kalamidad ay pagkain. 

Bukod sa DSWD at mga LGU, binigyang-diin din ni de Mesa ang iba pang government agencies na dapat isama sa priority list ng NFA gaya ng Office of the Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council, at Bureau of Jail Management and Penology. 

Dagdag pa ni de Mesa, pinag-aaralan na ng NFA council kung magkakaroon ng price adjustment sa pagbili nito ng palay. 

Sa kasalukuyan, binibili ng NFA ang mga palay sa magsasaka sa halagang 23 pesos kada kilo. 

Mayroon daw mahigit Php17 billion na pondo ang NFA ngayong taon para bumili ng 300,000 metric tons ng national rice buffer stock sa mga lokal na magsasaka.