Inaresto ng mga otoridad ang lider ng Myanmar na si Aung San Suu Kyi at iba pang matataas na opisyal mula sa National League for Democracy (NLD) party ngayong araw.
Sa kabila ito ng mas lumalalang tensyon sa pagitan ng civilian government at mga militar na nagbunsod sa malawakang coup de etat matapos ang ginanap na halalan sa bansa na pinaniniwalaang may dayaan.
Napanalunan ng NLD ang 83% available seats noong November 8 election na mistulang referendum umano ng civilian government na isinusulong ni Suu Kyi.
Subalit hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga militar sa resulta. Naghain ang mga ito ng reklamo sa Supreme Court laban sa presidente at chairperson ng electoral commission.
Ayon sa tagapagsalita ng NLD, kasama ni Suu Kyi na nakulong si President Win Myint. Nanawagan din aniya si Myint sa mamamayan ng Myanmar na huwag gumawa ng kaguluhan at umakto base sa batas na umiiral sa bansa. Umaasa na raw ito na aarestuhin siya ng mga militar.
Nakaranas ng phone line interruption sa Naypyitaw kung saan nakatakdang umupo ang mga ito sa parlyamento matapos ang eleksyon noong Nobyembre na napanalunan naman ng NLD.
Ang Nobel Peace Prize winner na si Suu Kyi ay naupo sa pwesto noong 2015 sa pamamagitan ng landslide election na sinundan naman ng halos ilang dekadang house arrest dahil sa pakikipaglaban nito sa demokrasya.
Dahil sa kaniyang pinaglalaban ay naging international icon ito at nagsilbi pang bayani ng Myanmar.
Subalit tila nasira ang magandang international standing ni Suu Kyi makaraang libo-libong Rohingya ang tumakas mula sa army operations upang magtago sa Bangladesh noong 2017.
Inakusahan si Suu Kyi ng kaniyang mga dating tagasuporta dahil sa pananahimik umano nito sa kabi-kabilang human rights violation na naranasan ng Rohingya.
Wala umano itong ginawa upang matigil ang panggagahasa, pagpatay at genocide dahil hindi nito kinondena ang ginawa ng mga militar.