Walang inaasahang paggalaw sa presyo ng mga basic necessities at prime commodities na nasa ilalim ng suggested retail price (SRP) na binabantayan ng Dept of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni DTI Usec Ruth Castelo na bagaman may mga manufacturer na humihiling na magtaas sila ng presyo sa kanilang mga produkto, binigyang diin nito na may umiiral na patakaran para rito.
Ayon kay Castello, hangga’t hindi inaaprubahan ng DTI ang hiling na price adjustment, hindi ito magiging epektibo.
Ang mga ganitong hiling aniya ay pinag-aaralan munang maigi ng pamunuan ng departamento, sa pagkakataong ito ay ang bagong kalihim ng DTI si Sec. Alfredo Pascual.
Kapag inaprubahan aniya ni Pascual ang mga kahilingan sa taas presyo, saka pa lamang aniya gagalaw ang presyo.
Pero sa ngayon, sinabi ni Castelo na patuloy nilang binabantayan ang presyuhan sa pangunahing bilihin.
Paalala pa ni Castelo, kahit nagpalit na ang administrasyon, epektibo pa rin ang SRP.
Hindi aniya ito magagalaw at hindi pwedeng galawin ng manufacturers ng walang pag-apruba ng DTI.