-- Advertisements --
image 231

Bumabalangkas ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ng rekomendasyon para sa planong importasyon ng tinatayang 450,000 metrikong tonelada ng asukal.

Ayon kay SRA Board Member Pablo Luiz Azcona, patuloy silang nakikipag-usap sa stakeholders para talakayin ang naturang import plan at nag-aantay ng instruction mula sa pamahalaan kung aprubado ang kanilang rekomendasyon.

Ang planong importasyon ng 450,000 MT ng asukal ay angkop aniya sa nais ng Pangulo kabilang ang target na pagpapanatili ng dalawang buwang buffer stock.

Maging ang mga industrial bodies ay kayang makapag-suplay sa merkado at ang tamang timing ng pag-aangkat ay tugma para sa mga magsasaka kasabay ng milling season na magsisimula sa Oktubre hanggang Mayo.

Giit pa ng SRA officila na hindi kailanman tutol ang magsasaka sa importasyon, ang tanging hinihingi lamang aniya ay kung maaari na dumating sa bansa ang mga aangkating asukal pagkatapos ng harvest season.

Sa kasalukuyan, sinabi ng SRA na kayang makapag-produce ng local farmers ng hanggang 1.8 million metric tons ng asukal kada taon.

Samantala, inihayag din ng opisyal na nakumpleto na ang inangkat na 150,000 metric tons ng asukal kamakailan.

Nang matanong naman ang opisyal kung makakatulong ang planong panibagong pag-aangkat para mapababa ang presyuhan sa merkado, sinabi ni Azcona na walang kontrol ang SRA sa mga negosyante.

Subalit inihayag rin ng opisyal na ang P60 farm-gate price ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magsasaka na maibsan kahit papano ang kanilang pasanin mula sa mataas na halaga ng inputs.