-- Advertisements --

MANILA – Naaprubahan na sa bansang Hungary ang emergency use authorization ng Sputnik V, ang COVID-19 vaccine na gawa ng Gamaleya Research Institute ng Russia.

Batay sa anunsyo ng Russian Direct Investment Fund, ang Hungary ang kauna-unahang bansa sa ilalim ng European Union na nagbigay ng authorization sa pinag-aaralan pang bakuna.

Ayon sa RDIF, inaprubahan ng National Institute of Pharmacy and Nutrition ng naturang bansa ang EUA ng Sputnik V.

“#RDIF announces the Sputnik V vaccine has been approved by the National Institute of Pharmacy and Nutrition of Hungary. Thus #Hungary has become the first country in the European Union to authorize the use of Sputnik V,” nakasaad sa online post ng institusyon.

Bukod sa Hungary, may emergency use authorization na rin sa iba pang bansa ang Sputnik V, tulad ng Turkmenistan, Paraguay, Venezuela, Palestine, Algeria, at Bolivia.

Dito sa Pilipinas, nagpasa na rin ng aplikasyon ang Gamaleya para makakuha ng EUA mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinabi ng Gamaleya na 91.4% effective ang kanilang bakuna matapos ang ginawang clinical trials ng Sputnik V sa Russia.