DAVAO CITY – Dahil sa kakulangan ng mga staff matapos mahawa ng covid-19, binabaan ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang araw ng quarantine sa mga nagpositibong empleyado ngunit mga asymptomatic kung saan mula sa pitong araw, ginawa na lamang itong lima.
Kung maalala, una ng sinabi ni SPMC Chief Dr. Ricardo Audan na umabot na sa halos 900 na mga empleyado ng ospital ang nahawa ng virus dahilan na apektado ang pagbibigay nila ng serbisyo sa kanilang mga pasyente.
Sa kasalukuyan, nasa 891 ng kanilang mga empleyado ang isinailalim sa isolation.
Sa nasabing bilang, 544 nito ay kumpirmado habang ang iba pang 248 ang suspected at naghihintay pa ng kanilang test results.
Kabilang rin sa data ay ang 94 na mga empleyado na na-expose sa Covid-19 patients.
Sa mga nagpositibo, dalawa nito ay may travel history sa Manila samantalang ang apat ay una ng dineploy para sa medical mission sa Dinagat Island.
Bagaman halos lahat umano ng mga nagpositibo ay fully vaccinated na at mayorya rin sa mga ito ay nakatanggap ng booster shots.
Nakaranas rin ang mga ito ng mild symptoms gaya ng lagnat at ubo.
Karamihan sa mga positibo at naka-home quarantine habang 30 staff members ay na-admit sa hospital.
Naniniwala si Audan na ang pagtaas ng mga nahawang medical workers at dahil sa mas nakakahawang Omicron variant lalo na ngayon na nasa 17 na ang confirmed specimens na na-detect sa buong Davao Region.