-- Advertisements --

Ano mang oras ay puwede na raw simulan ng binuong special investigation team ang imbestigasyon nito sa pagkamatay ng peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Randall Echanis.

Ito ang kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra kasunod ng pagkakakuha ng pamilya ni Echanis sa bangkay ng biktima matapos ang naging sigalot sa pagitan ng mga pulis.

Nauna nang inatasan ni Guevarra ang task force on extra judicial killings o EJK na bumuo ng lupon para magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Pero kinailangang hintayin muna ang kumpirmasyon kung si Echanis nga ba ang lalaking natagpuang patay sa isang apartment sa Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Guevarra, sa kasalukuyan ay hindi na kailangan ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng panibagong verification lalo’t nakumpirmang ang nasawi ay si Echanis nga.

Dahil dito ay maaaring nang umarangkada ang imbestigasyon ng special investigating team.

Sa ngayon, ang mga labi ni Echanis ay nasa Philippine General Hospital (PGH) para isailalim sa autopsy.